July 19, 2006

Against All Authority, Anti-GMA

Filed under: Uncategorized

Against All Authority, Anti-GMA Bakit KAILANGANG ALISIN si GMA? Napakaraming dahilan ang maaring ibato at isigaw sa mukha ni GMA. Maaring sa iba ay sasapat na ilarawan siya sa mga katawagang mandaraya at sinungaling kaugnay sa eleksyon at mga pagbabagong ipinangako. Bentador dahil sa pagtugon niya sa mga komitment sa kalakalan sa ilalim ng WTO, ASEAN at mga bilateral na kasuduan. Magnanakaw at iba pang samu’t-saring isyu na magpapabagsak sa kanyang popularidad at ng kanyang administrasyon. Ang sentralisasyon ng kapangyarihan sa kamay ng iilang tao o grupo ng mga tao ay siyang pinagmumulan ng pang-aapi at pananakop. Ang iilang taong nasa taas ng herarkiya ng kapangyarihan ng anumang pamahalaan ay may direkta at di-direktang impluwensya sa buhay-pulitika at gawaing pang-ekonomya ng (political at economic life) mga mamamamyan at komunidad. Ang resulta… kahirapan at kagutuman sa malaking bahagi ng populasyon; pang-aalipin sa mga batayang sektor at uri. Ang mga manggagawa sa pabrika, sa serbisyo, sa bukid at iba pa ay kailangang humanap muna ng amo o boss upang kumita para mabuhay. Habang ang iilan ay marangyang nabubuhay sa kasaganahan at yaman na nilikha ng mga inaliping uri at sektor. Ang sentralisasyon ito ng kapangyarihan at yaman ng lipunan ay lumilikha ng “social imbalance” na nagdulot naman ng “ecological imbalance” o pagkasira ng mga natural na sistema ng ekolohiya. Ang pagpapalaki ng kita (profit) ay pangunahing motibasyon ng mga sektor ng kasalukuyang ekonomya (market economy). Ang economy of scale o malawakang produksyon ay nakadisenyo upang makamit ang pinakamalaking kita. Ang produksyon ng anumang produkto ay nakabatay sa lakas-paggawa at hilaw na materyales. Samakatuwid, upang mas mapalaki ang kita dapat kontrolin ang lakas-paggawa at isagad ang paggamit sa natural na kapaligiran na siya namang tanging pagmumulan ng hilaw na materyales. Naniniwala tayong walang kwentang lider si GMA at wala rin pinagkaiba sa mga nakaraang rehimen at burukrasya; siya ay simbolo ng pinakamataas kapangyarihan. Ang sentalisasyong ng pampulitikang kapangyarihan sa iilan ang siyang pangunahing pinagmumulan ng AUTHORITY o otoridad ng estado at iba pang institusyon. Ang otoridad na ito ay sumusupil at nakikialam sa atin mula sa pang-araw-araw na buhay hanggang sa buhay ng susunod na henerasyon. Samakatuwid, hindi natin kinokontra si GMA dahil pabor tayo sa mga personalidad, pulitiko o partidong pulitikal. Tutol tayo sa kanya dahil siya sampu ng kanyang burukrasya ay kinatawan ng elit at estado at pangunahing na pinagmumulan ng AUTHORITY.

BUY NOTHING DAY

Filed under: Uncategorized

BUY NOTHING DAY!!!

 

Buy Nothing Day

 
Bilang PAKIKIISA sa pakikitunggali sa kapitalismo sa pandaidigang antas ay ipinagdiriwang ng mga libertarian ang BUY NOTHING DAY. 
 
Ang ideya nito ay paghihikayat sa malawak na mamamayan at mamimili na HUWAG BUMILI ng produkto na hindi naman kailangan lalo’t ito’y mula sa malalaking KORPORASYON.
 
Ang napakalaking yaman ng mundo ay nakokonsentra lang sa bulsa ng iilang grupo ng mga tao. Sa kasalukuyan, ang 225 na pinakamayayamang tao sa mundo ay kumikita ng kasinghalaga ng pinagsamang kita ng 2.5 bilyong pinakamahirap na mga tao[1]
 
Patuloy na pinagsasamantalahan ang lakas-paggawa ng bilyong-bilyong mahihirap sa buong mundo ng malalaking korporasyon at makapangyarihang mga tao sa pamamagitan ng sistema ng kapitalismo at ang pangunahing papel ng estado ay protektahan ang interes ng kakaunting minoridad na may hawak ng yaman at pampulitikang kapangyarihan sa pamamagitan ng puwersa, pamimilit at dahas. 
 
Para higit pang mapalaki ang kita ay lalo pang pinaiigting ang pag-abuso sa kalikasan at karapatan ng mga katutubo at mga komunidad sa rural.
 
Ang mga batas ay ginawa hindi para protektahan ang interes nating maliliit; kung hindi para panatilihin ang kasalukuyang kaayusan ng lipunan kung saan ang mga elit ang naghahari.  
 
Sa Pilipinas, kung tutuusin ay halos wala nang pambili ang malawak na masa ng kahit ultimong batayang pangangailangan. Ito’y dahil:
 
  • hindi tumataas ang suweldo ng mga manggagawa habang patuloy namang tumataas ang presyo ng mga batayang bilihin
  • Idagdag pa ang karagdagang buwis na ipapataw ng pamahalaan o E-VAT. Ang buwis na hindi makolekta ng pamahalaan sa mayayaman ay sa kawawang taong bayan kukuhain 
  • Patuloy ang paglobo ng bilang ng mga walang trabaho    
  • Patuloy ang pagkasira ng kalikasan na pangunahing pinanggagalingan ng yaman, pagkain at iba pang pangangailangan ng tao.
 
Hinihikayat namin ang mga mamamayan at milyong mahihirap na BOYKOTIN ang mga produkto ng transnayunal na korporasyon at magsagawa ng mga direktang-aksyon laban sa pribadong pag-aari at estado. 

Pakikiisa sa aping uri sa Pransya!!!

Filed under: Uncategorized

Pakikiisa sa aping uri sa Pransya!!!

 

Pakikiisa sa Pag-aaklas ng Aping Uri sa Pransya!       
 
Ang Pagsiklab ng Pag-aaklas
Noong ika-25 ng Oktubre taong kasalukuyan bumisita si Nicolas Sarkozy, Interior Minisiter ng Pransya sa komunidad ng mahihirap sa Paris. Hiniyawan at pinagbabato ang naturang opisyal na kilala sa kanyang pagiging pag-aaglahi at pang-aalipusta sa mahihirap.  Binanggit niya na dapat linisin ng “power hose” ang magugulong tao na inilarawan niya bilang hindi mga tao at basura.

Ika-27 ng oktubre, nakuryente ang 2 kabataan matapos nilang akyatin ang electrical sub-station sa Clichy-sous-Bois. Ayon sa mga lokal sila ay nanakbo para iwasan ang mga pulis na humahabol ngunit itinatanggi ng huli ang alegasyon. Ang 2 biktima ay sina Bouna Traore mula sa Mauritania ay 15 taong gulang at si Zyed Benna 17 taong gulang mula naman sa Tunisia. Ayon sa mga kapitbahay maaring mas bata pa sila sa edad na naulat. Naging mitsa ng kaguluhan ang naulat na kamatayan sa mga komunidad ng Aprikano at Arabo kung saan 15 sasakayan ang tinupok ng apoy.

Ika-29 ng Oktubre. Ang kaguluhan ay omukopa sa rehiyon ng Seine-Saint-Denis. Inilunsad din ang “Silent March” para kina Zyed at Bouna sa Clichy-sous-Bois ng mga nakikiramay na may mga tatak sa damit na “dead for nothing”.   
Ika-30 ng Oktubre. Ipinangako ni Sarkozy ang “zero tolerance” sa mga nag-aaklas at siya ay nagpadala ng mga pulis sa Clichy-sous-Bois. Gumamit ng tear gas grenade ang mga pulis sa mosque sa naturang lugar na lalo pang nagpaigting ng galit at kaguluhan.  
Ika-1 ng Nobyembre. Nagpatawag ng imbestigasyon ang Prime Minister na si Villepin kaugnay sa pagkamatay ng 2 kabataan kasabay ng pagkikipag-usap niya sa pamilya ng mga biktima.  Ang kaguluhan ay patuloy na kumakalat sa Seine-Saint-Denis at sa 3 pang rehiyon sa Paris.
Ika-2 Nobyembre. Inatake ng mga kabataan ang istasyon ng pulis sa Aulnay-sous-Bois. Ayon sa ulat ng mga pulis, may pamamaril na naganap at may 177 sasakyan ang sinunog sa  La Courneuve.
Ika-3 November. Kumalat ang karahasan, mula sa rehiyon ng Paris hanggang sa  Dijon kung saan may 400 sasakyan ang nasunog.

Ika-6 ng Nobyembre. Nangako ang pangulo ng Pransya na papanatilihin ang kaayusan sa lalong madaling panahon. Sumunod dito ang higit na marahas na gabi kung saan may 1,500 na mga sasakyan ang nasunog at may 400 inaresto.  Karamihan  sa mga pangyayari ay labas na sa erya ng Paris. May naulat ding 2 pulis na malubhang nasugatan sa Gringy malapit sa syudad.

Ika-7 Nobyembre. Namatay si Jean-Jacques Le Chenadec, 61na taong gulang dahil sa pang-aatake. Iniulat ito ng media bilang unang kaso ng may namatay.
Ika-8 Nobyembre. Muling binuhay ang “emergency powers” na huling ginamit noong 1955. Muli, sinundan ito ng mas marahas na gabi kung 1,173 sasakyan ang sinunog at may naarestong 330 katao. Iniulat na may 12 pulis na nasaktan. 

Ika-9 ng Nobyembre. Ganap na ipinatupad ang “emergency powers” sa 30 syudad at bayan sa Pransya. Iniulat ng pulis na bumaba ang antas ng karahasan bagamat ito’y nagaganap sa maraming bahagi ng bansa.

 
Pinaghalawan: BBC News Website
http://news.bbc.co.uk/1/hi/world/europe/4407688.stm

Ang Paris Commune

Ang pangyayaring ito ay hindi na bago sa Pransya. Ang matinding kahirapan idagdag pa ang diskriminasyon dahil sa kulay at paniniwala ay kinakaharap ng substansyal na bilang ng mga migrante at mahihirap.
Bagamat napakalaki ng pagkakaiba sa konteksto, ang kongkretong kundisyong ito sa ilang aspeto ay kasing kongkreto bago ang rebolusyon noong 1789 kung saan  1.1 milyon ang opisyal na idineklarang pulubi sa Pransya.  Daan-daan libong mga pesante ang  lumilisan sa kanayunan sa pag-asang makakakita ng kabuhayan sa ibang lugar na sa kanilang pagkabigo sapagkat ang kahirapan ay laganap at talamak. Marahas nitong kinikitil sa gutom ang mamamayan habang niyuyurakan ang pagkatao ng bawat mahirap na pamilya at ng mga indibidwal.
Patuloy ang pagtaas ng kahirapan kada taon, malaki ang kakapusan ng supply ng pagkain sa bawat munisipyo at naging karaniwan ang mga kaguluhan (bread riots) habang ang aristokrasya ay nabubuhay sa kasaganahan at labis sa luho. 
Ang Paris Commune ay naitatag sa mahabang proseso, bago ang 1789, ang sentrong pamahalaan ng Pransya ay kumaharap na ng insureksyon. Lalo itong napaunlad sa pagkakaupo ni Louis XVI sa trono noong 1774 kung saan naging laganap ang kaguluhan dahil sa kagutuman (Kropotkin P. 1927). 
Ang ispontanyong pag-aaklas ng masa na nauwi sa Paris Commune ay walang depenidong lider.  Nasimulan ang proseso ng panlipunang rebolusyon kung saan naramdaman ng aping uri at mga mamamayan na sila ang may ganap na kontrol sa pulitika ng kanilang pang-araw-araw na buhay.
Katulad ng hindi pagiging perpekto ng “ibang” rebolusyon, maraming pagkukulang at limitasyon ang Paris Commune, ngunit ang lalim (magnitude) ng pagkakamali ng rebolusyunaryong kaliwa ay magbibigay ideya sa atin kung gaano likas na mapang-api at mapanupil ang sentralisasyon ng kapangyarihan at estado.
Hindi dapat kalimutan at alisin sa kasaysayan ang ginawa ng Bolshevik upang mapanatili nito ang sarili sa kapangyarihan. Matapos maipanalo ng mga mamamayang nagrebolusyon ay  nagresulta ng pagkakatatag ng “Provisionary Government” sa Russia. Sadyang kinubkob ng Bolshevik ang pansamantalang pamahalaan at nagresulta nga ito ng higit pang pang-aapi sa mga manggagawa, pesante at mga mamamayan sa kabuuan. 
Ang pagkakatatag ng kaliwang estado sa Tsina ay nag-uwi rin sa pambubusabos at pang-aapi ng mga manggagawa, pesante at mamamayan. ang Tianenmen Massacre, Cultural Revolution at pananakop sa Tibet at iba pa ay hindi katanggap-tanggap para sa pagsusulong ng mapagpalayang adhikain. Mahalaga ring ibilang ang Genocide sa Cambodia kung saan milyong mamamayan ang pinuksa ng Khmer Rouge sa ngalan ng kalayaan.
Dapat ituring na ang Paris Commune ay yugto sa kasaysayan ng sangkatauhan na naranasan ng mamamayan ang direktang pamamahala ng kanilang buhay. Ang pulitika ay direktang kontrol nila hindi katulad sa pulitika ng estado na nakabatay sa burukrasya, pamimilit at pangdadahas.
Tulad nang binanggit na, ang Commune ay may pagkukulang subalit hindi ito dapat ilimita sa kapos na pananaw ni Lenin sa kanyang pagsusuri sa Paris Commune bilang walang organisadong partido ng proletaryado o maging sa pagtingin ni Engles na ito raw ay diktadurya ng proletaryado.
Marapat lang kilalanin ang pagturing na ang tao ay hindi mababago sa isang iglap lang. Nangangailangan ng sapat proseso upang maigpawan ng tao ang mapanupil, mapangamkam at mapang-aping niyang katangian at potensyal na pinaunlad ng estado, simbahan at merkado. Naging napakaiksi ng commune upang baguhin ang tao na hinubog ng daang libong taon.

1968 Insureksyon 

1968 muling nabulabog ang burgesya ng Pransya dahil sa ispontanyong pag-aaklas ng mga estudyante, kabataan at mga manggagawa. Ang kanilang pagkilos ay hindi limitado sa pag-antala ng normal na takbo ng bansa; umabot ang pag-aaklas sa pag-okupa ng mga pabrika at mga pribadong pag-aari.
Malinaw sa Anarchist  Federation at iba pang mulat na elementong lumahok sa pag-aaklas at okupasyon ang layunin na makikita sa kanilang panawagang inilabas noong ika-16 ng Mayo 1968 : OCCUPATION COMMITTEE OF THE AUTONOMOUS AND POPULAR SORBONNE UNIVERSITY : OCCUPY THE FACTORIES! POWER TO THE WORKERS COUNCILS! DOWN WITH THE SPECTACLE COMMODITY SOCIETY! ABOLISH ALIENATION! ABOLISH THE UNIVERSITY! HUMANITY WONT BE HAPPY TILL THE LAST BUREAUCRAT IS HUNG WITH THE GUTS OF THE LAST CAPITALIST! DEATH TO THE COPS! FREE ALSO THE 4 GUYS CONVICTED FOR LOOTING DURING THE 6 MAY RIOT!
Ang naturang pag-aaklas ay nagpayanig sa Pransya at Europa, sa katunayan ayon sa liham ng Situationist International Council for Maintaining the Occupations noon ding Mayo 1968; ang burukrasya ng Moscow at Peking ay lubos na nabahala, gayundin ang mga milyonaryo sa Tokyo at Washington.
Noong ika-17 ng Mayo 1968, halos sabay-sabay na lumabas sa telegrama ang komunikasyon mula sa makakaliwang estado at organisasyon na nagkokondena sa pag-aaklas. Kabilang ang politburo ng dating USSR at Tsina at makakaliwang grupo mula sa Czechoslovakia at bansang Hapon (Zengakuren) (Situationist International pahina bilang 324-351).
Nakakalungkot isipin na ang kaliwa na naghahangad ng rebolusyonaryong pagbabago ng lipunan para sa pagkakapantay-pantay , demokrasya at kalayaan sa kabuuan ay tumutol sa pagkilos ng mga aping-uring nag-aklas na ang hangad naman ay kadalasang makikita rin sa propaganda ng kaliwa.
Ang naganap sa Pransya ay hindi cycle o pabalik-balik na proseso; ang pagsulpot ng mga ispontanyong pag-aaklas ay bunga ng kongkretong kondisyon at kapasidad ng mga mamamayan na direktang pamahalaan ang kanilang mga sariling ugnayan.
Sa kasalukuyan, ang pagturing ng dominanteng kaisipan sa mga tao ay: bobo, tamad, walang disiplina at masama. Ito ang eksaktong nais maging ng estado at ng iba pang institusyong nagpapanatili ng kaayusan upang magkaroon ng batayan ang sentralisasyon ng kapangyarihan.
Totoong kailangan ng proseso para sa ganap na pagkalusaw sa estado. Hindi  ito magaganap kung muling magtatayo ng bagong estado na magsesentralisa ng pampulitikang kapangyarihan. Ang paglusaw ng estado ay nakabatay sa paglaya ng indibidwal. Ang paglaya ng indibidwal ay nakabatay sa paglaya ng kanyang kapwa. Samakatuwid ang proseso ng pagkamit ng kalayaan ay panlipunan.
Tanging panlipunang rebolusyon lamang ang ganap na puputol sa tanikala ng lumang sistema ng herarkiya, pribadong-pag-aari, kumpetisyon, dominasyon at pagsasamantala. At ito ay magsisimula sa masa, sa mga mamamayan hindi sa bandila ng anumang partido na nagsusulong ng isang wastong katotohanan.
 
 
 

Ang Panibagong Pag-aaklas ng Aping Uri sa Pransya

Ang Pransya ay may 700 suburb kung saan nakatira ang mga migranteng manggagawa. Nitong mga nakalipas na dekada, ang bansa ay pinuntahan ng milyong mga imigrante mula sa Algeria, Morocco, Mali, Turkey, Tunisia at iba pa dahil sa inaakalang opurtunidad na ang resulta ay pagpapa-alipin sa napakababang kapalit na suweldo.
 
Sa pagtaya ang populasyon ng mga Muslim ay nasa 5 na milyon: 35% mulas sa Algerian, 25% mula Moroccan at 10% mula sa Tunisia na ang konsentrasyon ay nasa na erya sa Paris, Lille, Lyon, Marseille at iba pang syudad.
 
Sa pagbabago ng ekonomya, marami ang naalis sa trabaho na walang alternatibong pagkakakitaan. Ang kawalan ng hanapbuhay ay nasa 30 porsyento na. Ang mga kabataan ay madalas ng inaabuso ng mga pulis, ang pagmamalabis ay lalo pang pinapatatag ng mga batas na pinangunahan ng mga reaksyonaryong pulitiko at mga lider sa Pransya.
 
Resulta nito’y paniniil sa mga dayuhan mula sa mga bansang ang iba ay dati ring kolonya ng Pransya, matapos pagsamantalahan ang kanilang yaman at lakas-paggawa ay itinuring na kriminal, terorista, mababang-uri ng isa sa “pinakasibilisadong” suyadad sa mundo.
 
Ang ispontanyong pagkilos ng mga mahihirap ay hindi makatarungang ituring na simpleng kaguluhan lang. Malinaw sa mga nag-aaklas kung ano ang kanilang aatakihin katulad kung gaano kalinaw sa mga naunang insurekto at kalahok ng  Paris Commune at okupasyon noong 1968. Napakaminimal o halos walang ulat na sadyang nang-aatake ng sibilyan ang mga kalahok sa pag-aaklas. 
Kahawig ng ipinakita ng makaliwang grupo sa Paris Commune at 1968 insureksyon; inilabas ng umanao’y makakaliwang publikasyon (Daily Liberation) na inorganisa daw ng gang ang mga kabataan upang itaboy ang mga pulis para sa kanilang negosyo sa droga. Ngunit ito’y mariing pinabulaan ng marami sa mga lumalahok sa pag-aaklas, sa halip ay idinetalye nila ang kanilang isyu at mga karaingan kabilang ang resignasyon ni Sarkozy (mula sa : The Fire in France ** Revolution #022, November 13, 2005, posted at revcom.us).
Malinaw ang mensahe ng pag-aaklas at malinaw kung ano ang batayan ng kanilang aksyon. Walang iisang lider na nagsasalita para sa ispontanyong pagkilos sapagkat ang pagkilos mismo ng inaaping seksyon ng lipunan ang nagsasalita para sa kanila. Sa ganitong pamamaraan ayon nga sa isang kabataang na interview ay  na kapitbahay ng isa sa mga biktima ay: "We’ll make them listen to us ! When you go home, turn on the television - you’ll see all of France is burning."

Konpederasyon ng Malalayang istruktura

Filed under: Uncategorized

Monday, March 20, 2006 Konpederasyon ng Malalayang istruktura Konpederasyon ng Malalayang Istruktura Ang mga nakaraang EDSA ay mga pampublikong ehersisyo na iniluwal ng mga perenyal na krisis ng mga kaayusan kung saan sentralisado ang kapangyarihan na lumilikha ng mga pribelehiyo sa iilan habang nagsasaisantabi ng pinakamaraming bilang ng mamamayan sa pagdedesisyon at bahaginan ng benepisyo at yaman ng lipunan. Kailanman ay hindi naging nuetral ang estado. Sa maraming pagkakataon, instrumento ito ng iilan para protektahan ang kanilang interes. Ang rehimen ni Marcos sampu ng kanyang mga cronies ay walang dudang kinatawan ng elit na nais panatilihin ang sarili sa kapangayarihan sa lantad na puwersahang paraan na ang isa sa mga layon ay makontrol ang pinakamalaking bahagi ng yaman ng lipunan. Ang administrasyon ni Erap ay isang paksyon ng elit na may malaking impluwensya sa mga mamamayan dahil sa pantasyang nalikha niya sa tulong ng pelikula at media. Ang pantasya niya ay lumikha ng batayang pagkakaisa kung bakit dumagsa sa EDSA pa-Malakanyang ang daang libong lehitimong mahihirap at inaapi sa lipunan at mayoryang mamamayan. . Ang mga nagdaang EDSA ay dinamismo ng agawan sa kapangyarihan ng mga elit. Ngunit isa sa hindi maitatangging aral na makukuha sa mga ito ay ang kapangyarihan ng mga mamamayan na lumikha ng pagbabago sa pamamagitan ng direktang partisipasyon. Ang pampulitikang krisis at lumalalang kalagayan ng ekonomya sa kasalukuyan ay hindi naiiba sa pangkalahatang usapin ng nabanggit na krisis subalit hindi sinasabing isang panibagong EDSA ang kailangan upang magkaroon ng substansyal na pagbabago. Sa mahabang panahon ang mga mamamayan ay lumalahok sa pampulitikang ehersisyo dahil sa impluwensya ng mga karismatikong lider, mga sentralisadong institusyon at mga pampulitikang istruktura na may hirarkikal na oryentasyon. Ito ay tipo ng pulitika na hindi nakatuon sa pagpapataas ng kamulatan ng mamamayan. Sa halip, ginagawa nitong pasibo ang mga tao, pinapakilos ang mamamayan dahil sa agenda at interes ng partido, indibidwal at mga elit na grupo. Ang partisipasyon ng ordinaryong mamamayan ay nalilimita lang sa mga nakagawiang eleksyon. Ang pagiging inaktibo at kawalan ng paglahok sa mga pampulitikang gawain ay lalo namang nagpapalawak ng burukrasya at nagpapaigting ng sentralisasyon upang umano’y mas maging episyente. Ang mga pulitiko ay naging propesyunal sa halip na prinsipyo at interes ng publiko, kadalasan, ang kanilang motibasyon ay nakabatay sa pansariling interes at pagsekyur ng propesyon o carreer. Ang Direct Democracy Ito ay isang alternatibong tipo ng pulitika na maaring mamaksimisa sa pagsusulong ng panlipunang pagbabago. Ito ay nakabatay sa mga ekstraparlimentaryong mga indipindyenteng organisasyon sa mga komunidad, mga organisasyong hindi nakaugnay sa anumang partido at estado. Ang mga mamamamayan (kabataan, kababaihan, senior citizen, manggagawa, magsasaka, mangingisda at iba pang marhinalisadong sektor sa serbisyo at iba pa) ay magkikita at maghaharap-harap sa publiko upang pag-usapan ang mga kinakaharap na isyu. Magaganap ito sa pamamagitan ng mga popular at lokal na malalayang pormasyon kagaya ng mga pulong baranggay, assembliya, asosasyon, organisasyon, kooperatiba, religious group, counterculture na mga grupo, mga advocates at iba pa. Ang kalikasan ng mga pormasyong ito ay hindi upang magpakilos ng tao para igiit ang mga interes at agenda ng aumang eksternal na pormasyon. Nakabatay ito sa pulitika ng mga pamayanan na ang proseso ay edukasyon ayon sa mga aktwal na pangangailangan at kundisyon. Ang layon nito ay hindi upang makuha ang pampulitikang kapangayarihang sa halip ay pagsasakapangyarihan sa mga marhinalisadong mamamayan. Ito’y naglalayong makalikha ng pampulitikang pormasyon at makabuluhang maimpluwensyahan ang pampublikong opinyon para sa bisyon ng prosperidad na ang benepisyo ay pinakikinabangan ng lipunan. Samakatuwid walang sinuman ang nagugutom. Ang lahat ay may akses sa mga panlipunang serbisyo gaya ng kalusugan, pabahay, edukasyon, tubig, kuryente at transportasyon. Ang likas-yaman ay angkop ang utilisasyon at nakabatay sa likas-kayang prinsipyo. Ang bawat mamamayan ay direkta at makabuluhang nakakalahok sa pagsasagawa ng mga polisiyang nakaayon sa pangangailangan ng mga komunidad, pabrika, industriya, agrikultura at iba pang istruktura ng lipunan. Ang pulitikang ito ay itatag hindi sa impluwensya ng pulitika ng partido at estado; ito ay pulitika na malayang malalahukan at naiintindihan ng mamamayan at sila ay boluntaryong umaako ng mga responsibilidad. Kailangan ba talagang I-sentralisa ang Kapangyarihan? Hanggang sa kasalukuyan ay napakapopular ng malawakang pag-go-gobyerno sa porma ng napakasentralisadong organisasyon na pinatatakbo sa pamamagitan ng mga istrikto at sekular na mga burukrasya na kadalasang pinapatupad ng mga kinatawan at ng mga nanalo sa eleksyon. Hindi maikakaila sa kasaysayan ang karahasan, panggigipit at panunupil ng mga pamahalaan sa mga mamamayan magmula ng maitatag ang sentrong pamahalaan sa pananakop ng Kastila. At nag-uumapaw ang datus hinggil sa pag-iral ng hindi pantay distribusyon ng yaman na pinapatupad at pinapatatag ng estado. Mas maige pa bago dumating ang mga Kastila; ayon kay Pigaffeta, tagatala ni Magellan. Ang inabutan nilang mga pamayanan ng katutubo ay malulusog, walang may kapansanan at nagugutom. Maaring hindi perpekto ang kalagayan, subalit mas mainam ang panahong yaon kumpara sa ngayon na halos nasa 50 porsyento ang bilang na mga mamamayan na dumaranas ng kahirapan sa iba’t-ibang dimensyon nito. Huwag gamiting argumento ang paglobo ng populasyon para patatagin ang kahirapan. Ang estadiska ay makakatulong para matukoy kung gaano kalabis ang pag-aari at yaman ng iilang pamilya at kung gaano katalamak ang kahirapan ng maraming mamamayan. Ang produksyon ng cereal ay tumaas ng 12 porsyento noong 1975, sapat upang magbawas ng importasyon ang Bangladesh ng signipikanteng porsyento. Ang kanlurang Asya naman sa kabilang banda ay binaha ng mais mula sa Tsina. Maging ang disyerto sa Saudi Arabia ay nagkapagbebenta ng wheat; dahil sa labis na produksyon sa Finland, ang wheat ay ginagawang glue. Ang produksyon ng India ng grain ay na-triple sa pagitan noong 1950 at 1984, ang suliranin nila ay hindi paglobo ng populasyon kundi transportasyon upang maibyahe ang mga produkto mula sa mga lugar na labis ang produksyon patungo sa mga kapos — ito ang pangunahing naging dahilan ng kagutuman sa naturang bansa. Mahalagang banggatin na ang isyu sa World Trade Organisation ng pagtatambak ng produkto ay manipestasyon ng labis na produksyon at hindi populasyon. Ang suliranin ay kung paano ibabahagi ang yaman ng mga lipunan sa mga napakalaking bahagi ng populasyon ng daigdig. Matagal na panahon na ring namaliit ang kakayahan ng mga mamamayan na patakbuhin ang kanilang mga sariling ugnayan. Maraming karanasan ang magpapatunay na kayang organisahin ng mga produktibong uri at sektor ang kanilang mga gawain at ugnayan upang makalikha ng pangangailangan ng lipunan. Ang boluntaryo at malalayang asosasyon ng mga pamayanan, syudad, citizen assembly na naka-konpedera mula sa lokal, rehiyon at hanggang sa kontinental ay may mga modelo at isinapraktika sa Espanya ng mga Comuneros noong ika-16 na siglo at ang kilusan ng "American town meeting" na umabot sa New England hanggang sa Charleston noong 1770s. Gayundin ang "Parisian sectional assembly" noong unang bahagi ng 1790s na naulit sa Paris Commune noong 1871 at hanggang sa Madrid Citizens’ Movement noong 1960s at unang bahagi ng 1970s. Totoong napakahirap isiping ganap na idesentralisa ang pampulitikang kapangyarihan lalo’t sa kalagayang ang mga tradisyunal na pulitiko ay tiyak na manamantala. Sabagay, kahit na anong pampulitikang kaayusan ang gawin ay tiyak na magsasamantala ang mga trapo sapagkat ito ay kaangkinan niya. Ganap lang namalulusaw ang trapo kung wala nang tumangkilik sa kanya. Samakatuwid ito ay nakabatay pa rin sa kamulatan ng mga tao. May ilang mga iskolar ang nagbabanggit na nakaigpaw na raw sa "patronage politics" ang mamamayan, nalampasan na rin halos ang "fantasy politics" na maiuugnay umano sa pagbaba ng popularidad ng mga personalidad sa showbiz at media. Kung totoo na ganito ang kalagayan higit na pagkakataon ito upang isulong ang direct democracy para mapabilis ang pagbabago ng mga istruktura ng lipunan. Ang tagumpay ng desentralisasyon ay nakabatay sa antas ng kakayahan ng mga mamamayan. Hindi ito kagyat na magaganap katulad kung paano inilulugar ang Transition Revolutionary Government (TRG) ng Laban ng Masa. Ang pulitika para sa pagsasapraktika ng direct democracy ay proseso ng pag-eeduka sa mamamayan. Sa paglawak ng kapasidad ng mamamayan ay siya namang pagbawas sa hegemonya ng mga institusyong nagsesentralisa ng kapangyarihan. Ito ang magsasakapangyarihan sa mga malalaya at boluntaryong pormasyon sa mga pamayanan at batayang komunidad na magko-konpedera mula sa lokal patungong rehiyon na nakabatay sa balangkas ng mutwal na kooperasyon at ganap na pagkakaisa. Ano ang pagkakaiba ng Delegado sa Representasyon ng kasalukuyang mga hirarkikal na organisasyon? Ideyal na maisangkot ang lahat ng mga kasapi sa mga usaping pang-organisasyon na may kinalaman sa paglikha ng mga pampublikong polisiya. Subalit dahil sa mga praktikal na usapin may pangangailangan na magtalaga ng mga delegado na magiging kinatawan ng organisasyon sa mas malalawak na antas ng pagdedesisyon para sa pagseseguro ng mutwal na kooperasyon sa antas ng baranggay, munisipyo, probinsya at rehiyon. Ang "popular assemblies" ay isa sa mga klasikal na kaisipang anarkismo para sa pag-uugnay-ugnay ng mga gawain sa pamamagitan ng mga "recallable" na delegado. Wala silang ispesyal na pribelehiyo ngunit may mandato na maging kinatawan ng kanilang kinabibilangang organisasyon. Ang pangunahing responsibilidad ay makisangkot sa mas malawak na antas batay sa mga pinagkasunduan ng mga kasapi. Ang pagsasagawa ng desisyon ay nanatili sa mga assembliya. Kumpara sa kasalukuyang konsepto ng representative na may kakayahang gumawa ng pagpapasya at may otoridad sa ibang tao o sa kanyang mga botante. Ang sistema ng konpederasyon ay pag-o-organisa ng mga kinakailangang bagay mula sa lokal o ibaba pataas. Sa halip na mula sa itaas pababa, desentralisado ang konpederasyon at ang mga network subalit mahigpit na pinag-uugnay ng para sa kanilang mga mutwal na interes na ang bisyon ay para pagbuhog ng lipunang malaya, pantay-pantay, sagana at likas-kaya.

July 12, 2006

Hello world!

Filed under: Uncategorized

Welcome to your new blog. This is your first post. Edit or delete it, then start blogging!

An email has been sent to you giving you details of how to log in to the administration section. From there you can change the design by clicking on the tab MANAGE and then click on the tab THEMES. If you have any questions, ask them in the forums — we are only too willing to help.






















Get free blog up and running in minutes with Blogsome
Theme designed by Helga Cleve