July 19, 2006

Pakikiisa sa aping uri sa Pransya!!!

Filed under: Uncategorized

Pakikiisa sa aping uri sa Pransya!!!

 

Pakikiisa sa Pag-aaklas ng Aping Uri sa Pransya!       
 
Ang Pagsiklab ng Pag-aaklas
Noong ika-25 ng Oktubre taong kasalukuyan bumisita si Nicolas Sarkozy, Interior Minisiter ng Pransya sa komunidad ng mahihirap sa Paris. Hiniyawan at pinagbabato ang naturang opisyal na kilala sa kanyang pagiging pag-aaglahi at pang-aalipusta sa mahihirap.  Binanggit niya na dapat linisin ng “power hose” ang magugulong tao na inilarawan niya bilang hindi mga tao at basura.

Ika-27 ng oktubre, nakuryente ang 2 kabataan matapos nilang akyatin ang electrical sub-station sa Clichy-sous-Bois. Ayon sa mga lokal sila ay nanakbo para iwasan ang mga pulis na humahabol ngunit itinatanggi ng huli ang alegasyon. Ang 2 biktima ay sina Bouna Traore mula sa Mauritania ay 15 taong gulang at si Zyed Benna 17 taong gulang mula naman sa Tunisia. Ayon sa mga kapitbahay maaring mas bata pa sila sa edad na naulat. Naging mitsa ng kaguluhan ang naulat na kamatayan sa mga komunidad ng Aprikano at Arabo kung saan 15 sasakayan ang tinupok ng apoy.

Ika-29 ng Oktubre. Ang kaguluhan ay omukopa sa rehiyon ng Seine-Saint-Denis. Inilunsad din ang “Silent March” para kina Zyed at Bouna sa Clichy-sous-Bois ng mga nakikiramay na may mga tatak sa damit na “dead for nothing”.   
Ika-30 ng Oktubre. Ipinangako ni Sarkozy ang “zero tolerance” sa mga nag-aaklas at siya ay nagpadala ng mga pulis sa Clichy-sous-Bois. Gumamit ng tear gas grenade ang mga pulis sa mosque sa naturang lugar na lalo pang nagpaigting ng galit at kaguluhan.  
Ika-1 ng Nobyembre. Nagpatawag ng imbestigasyon ang Prime Minister na si Villepin kaugnay sa pagkamatay ng 2 kabataan kasabay ng pagkikipag-usap niya sa pamilya ng mga biktima.  Ang kaguluhan ay patuloy na kumakalat sa Seine-Saint-Denis at sa 3 pang rehiyon sa Paris.
Ika-2 Nobyembre. Inatake ng mga kabataan ang istasyon ng pulis sa Aulnay-sous-Bois. Ayon sa ulat ng mga pulis, may pamamaril na naganap at may 177 sasakyan ang sinunog sa  La Courneuve.
Ika-3 November. Kumalat ang karahasan, mula sa rehiyon ng Paris hanggang sa  Dijon kung saan may 400 sasakyan ang nasunog.

Ika-6 ng Nobyembre. Nangako ang pangulo ng Pransya na papanatilihin ang kaayusan sa lalong madaling panahon. Sumunod dito ang higit na marahas na gabi kung saan may 1,500 na mga sasakyan ang nasunog at may 400 inaresto.  Karamihan  sa mga pangyayari ay labas na sa erya ng Paris. May naulat ding 2 pulis na malubhang nasugatan sa Gringy malapit sa syudad.

Ika-7 Nobyembre. Namatay si Jean-Jacques Le Chenadec, 61na taong gulang dahil sa pang-aatake. Iniulat ito ng media bilang unang kaso ng may namatay.
Ika-8 Nobyembre. Muling binuhay ang “emergency powers” na huling ginamit noong 1955. Muli, sinundan ito ng mas marahas na gabi kung 1,173 sasakyan ang sinunog at may naarestong 330 katao. Iniulat na may 12 pulis na nasaktan. 

Ika-9 ng Nobyembre. Ganap na ipinatupad ang “emergency powers” sa 30 syudad at bayan sa Pransya. Iniulat ng pulis na bumaba ang antas ng karahasan bagamat ito’y nagaganap sa maraming bahagi ng bansa.

 
Pinaghalawan: BBC News Website
http://news.bbc.co.uk/1/hi/world/europe/4407688.stm

Ang Paris Commune

Ang pangyayaring ito ay hindi na bago sa Pransya. Ang matinding kahirapan idagdag pa ang diskriminasyon dahil sa kulay at paniniwala ay kinakaharap ng substansyal na bilang ng mga migrante at mahihirap.
Bagamat napakalaki ng pagkakaiba sa konteksto, ang kongkretong kundisyong ito sa ilang aspeto ay kasing kongkreto bago ang rebolusyon noong 1789 kung saan  1.1 milyon ang opisyal na idineklarang pulubi sa Pransya.  Daan-daan libong mga pesante ang  lumilisan sa kanayunan sa pag-asang makakakita ng kabuhayan sa ibang lugar na sa kanilang pagkabigo sapagkat ang kahirapan ay laganap at talamak. Marahas nitong kinikitil sa gutom ang mamamayan habang niyuyurakan ang pagkatao ng bawat mahirap na pamilya at ng mga indibidwal.
Patuloy ang pagtaas ng kahirapan kada taon, malaki ang kakapusan ng supply ng pagkain sa bawat munisipyo at naging karaniwan ang mga kaguluhan (bread riots) habang ang aristokrasya ay nabubuhay sa kasaganahan at labis sa luho. 
Ang Paris Commune ay naitatag sa mahabang proseso, bago ang 1789, ang sentrong pamahalaan ng Pransya ay kumaharap na ng insureksyon. Lalo itong napaunlad sa pagkakaupo ni Louis XVI sa trono noong 1774 kung saan naging laganap ang kaguluhan dahil sa kagutuman (Kropotkin P. 1927). 
Ang ispontanyong pag-aaklas ng masa na nauwi sa Paris Commune ay walang depenidong lider.  Nasimulan ang proseso ng panlipunang rebolusyon kung saan naramdaman ng aping uri at mga mamamayan na sila ang may ganap na kontrol sa pulitika ng kanilang pang-araw-araw na buhay.
Katulad ng hindi pagiging perpekto ng “ibang” rebolusyon, maraming pagkukulang at limitasyon ang Paris Commune, ngunit ang lalim (magnitude) ng pagkakamali ng rebolusyunaryong kaliwa ay magbibigay ideya sa atin kung gaano likas na mapang-api at mapanupil ang sentralisasyon ng kapangyarihan at estado.
Hindi dapat kalimutan at alisin sa kasaysayan ang ginawa ng Bolshevik upang mapanatili nito ang sarili sa kapangyarihan. Matapos maipanalo ng mga mamamayang nagrebolusyon ay  nagresulta ng pagkakatatag ng “Provisionary Government” sa Russia. Sadyang kinubkob ng Bolshevik ang pansamantalang pamahalaan at nagresulta nga ito ng higit pang pang-aapi sa mga manggagawa, pesante at mga mamamayan sa kabuuan. 
Ang pagkakatatag ng kaliwang estado sa Tsina ay nag-uwi rin sa pambubusabos at pang-aapi ng mga manggagawa, pesante at mamamayan. ang Tianenmen Massacre, Cultural Revolution at pananakop sa Tibet at iba pa ay hindi katanggap-tanggap para sa pagsusulong ng mapagpalayang adhikain. Mahalaga ring ibilang ang Genocide sa Cambodia kung saan milyong mamamayan ang pinuksa ng Khmer Rouge sa ngalan ng kalayaan.
Dapat ituring na ang Paris Commune ay yugto sa kasaysayan ng sangkatauhan na naranasan ng mamamayan ang direktang pamamahala ng kanilang buhay. Ang pulitika ay direktang kontrol nila hindi katulad sa pulitika ng estado na nakabatay sa burukrasya, pamimilit at pangdadahas.
Tulad nang binanggit na, ang Commune ay may pagkukulang subalit hindi ito dapat ilimita sa kapos na pananaw ni Lenin sa kanyang pagsusuri sa Paris Commune bilang walang organisadong partido ng proletaryado o maging sa pagtingin ni Engles na ito raw ay diktadurya ng proletaryado.
Marapat lang kilalanin ang pagturing na ang tao ay hindi mababago sa isang iglap lang. Nangangailangan ng sapat proseso upang maigpawan ng tao ang mapanupil, mapangamkam at mapang-aping niyang katangian at potensyal na pinaunlad ng estado, simbahan at merkado. Naging napakaiksi ng commune upang baguhin ang tao na hinubog ng daang libong taon.

1968 Insureksyon 

1968 muling nabulabog ang burgesya ng Pransya dahil sa ispontanyong pag-aaklas ng mga estudyante, kabataan at mga manggagawa. Ang kanilang pagkilos ay hindi limitado sa pag-antala ng normal na takbo ng bansa; umabot ang pag-aaklas sa pag-okupa ng mga pabrika at mga pribadong pag-aari.
Malinaw sa Anarchist  Federation at iba pang mulat na elementong lumahok sa pag-aaklas at okupasyon ang layunin na makikita sa kanilang panawagang inilabas noong ika-16 ng Mayo 1968 : OCCUPATION COMMITTEE OF THE AUTONOMOUS AND POPULAR SORBONNE UNIVERSITY : OCCUPY THE FACTORIES! POWER TO THE WORKERS COUNCILS! DOWN WITH THE SPECTACLE COMMODITY SOCIETY! ABOLISH ALIENATION! ABOLISH THE UNIVERSITY! HUMANITY WONT BE HAPPY TILL THE LAST BUREAUCRAT IS HUNG WITH THE GUTS OF THE LAST CAPITALIST! DEATH TO THE COPS! FREE ALSO THE 4 GUYS CONVICTED FOR LOOTING DURING THE 6 MAY RIOT!
Ang naturang pag-aaklas ay nagpayanig sa Pransya at Europa, sa katunayan ayon sa liham ng Situationist International Council for Maintaining the Occupations noon ding Mayo 1968; ang burukrasya ng Moscow at Peking ay lubos na nabahala, gayundin ang mga milyonaryo sa Tokyo at Washington.
Noong ika-17 ng Mayo 1968, halos sabay-sabay na lumabas sa telegrama ang komunikasyon mula sa makakaliwang estado at organisasyon na nagkokondena sa pag-aaklas. Kabilang ang politburo ng dating USSR at Tsina at makakaliwang grupo mula sa Czechoslovakia at bansang Hapon (Zengakuren) (Situationist International pahina bilang 324-351).
Nakakalungkot isipin na ang kaliwa na naghahangad ng rebolusyonaryong pagbabago ng lipunan para sa pagkakapantay-pantay , demokrasya at kalayaan sa kabuuan ay tumutol sa pagkilos ng mga aping-uring nag-aklas na ang hangad naman ay kadalasang makikita rin sa propaganda ng kaliwa.
Ang naganap sa Pransya ay hindi cycle o pabalik-balik na proseso; ang pagsulpot ng mga ispontanyong pag-aaklas ay bunga ng kongkretong kondisyon at kapasidad ng mga mamamayan na direktang pamahalaan ang kanilang mga sariling ugnayan.
Sa kasalukuyan, ang pagturing ng dominanteng kaisipan sa mga tao ay: bobo, tamad, walang disiplina at masama. Ito ang eksaktong nais maging ng estado at ng iba pang institusyong nagpapanatili ng kaayusan upang magkaroon ng batayan ang sentralisasyon ng kapangyarihan.
Totoong kailangan ng proseso para sa ganap na pagkalusaw sa estado. Hindi  ito magaganap kung muling magtatayo ng bagong estado na magsesentralisa ng pampulitikang kapangyarihan. Ang paglusaw ng estado ay nakabatay sa paglaya ng indibidwal. Ang paglaya ng indibidwal ay nakabatay sa paglaya ng kanyang kapwa. Samakatuwid ang proseso ng pagkamit ng kalayaan ay panlipunan.
Tanging panlipunang rebolusyon lamang ang ganap na puputol sa tanikala ng lumang sistema ng herarkiya, pribadong-pag-aari, kumpetisyon, dominasyon at pagsasamantala. At ito ay magsisimula sa masa, sa mga mamamayan hindi sa bandila ng anumang partido na nagsusulong ng isang wastong katotohanan.
 
 
 

Ang Panibagong Pag-aaklas ng Aping Uri sa Pransya

Ang Pransya ay may 700 suburb kung saan nakatira ang mga migranteng manggagawa. Nitong mga nakalipas na dekada, ang bansa ay pinuntahan ng milyong mga imigrante mula sa Algeria, Morocco, Mali, Turkey, Tunisia at iba pa dahil sa inaakalang opurtunidad na ang resulta ay pagpapa-alipin sa napakababang kapalit na suweldo.
 
Sa pagtaya ang populasyon ng mga Muslim ay nasa 5 na milyon: 35% mulas sa Algerian, 25% mula Moroccan at 10% mula sa Tunisia na ang konsentrasyon ay nasa na erya sa Paris, Lille, Lyon, Marseille at iba pang syudad.
 
Sa pagbabago ng ekonomya, marami ang naalis sa trabaho na walang alternatibong pagkakakitaan. Ang kawalan ng hanapbuhay ay nasa 30 porsyento na. Ang mga kabataan ay madalas ng inaabuso ng mga pulis, ang pagmamalabis ay lalo pang pinapatatag ng mga batas na pinangunahan ng mga reaksyonaryong pulitiko at mga lider sa Pransya.
 
Resulta nito’y paniniil sa mga dayuhan mula sa mga bansang ang iba ay dati ring kolonya ng Pransya, matapos pagsamantalahan ang kanilang yaman at lakas-paggawa ay itinuring na kriminal, terorista, mababang-uri ng isa sa “pinakasibilisadong” suyadad sa mundo.
 
Ang ispontanyong pagkilos ng mga mahihirap ay hindi makatarungang ituring na simpleng kaguluhan lang. Malinaw sa mga nag-aaklas kung ano ang kanilang aatakihin katulad kung gaano kalinaw sa mga naunang insurekto at kalahok ng  Paris Commune at okupasyon noong 1968. Napakaminimal o halos walang ulat na sadyang nang-aatake ng sibilyan ang mga kalahok sa pag-aaklas. 
Kahawig ng ipinakita ng makaliwang grupo sa Paris Commune at 1968 insureksyon; inilabas ng umanao’y makakaliwang publikasyon (Daily Liberation) na inorganisa daw ng gang ang mga kabataan upang itaboy ang mga pulis para sa kanilang negosyo sa droga. Ngunit ito’y mariing pinabulaan ng marami sa mga lumalahok sa pag-aaklas, sa halip ay idinetalye nila ang kanilang isyu at mga karaingan kabilang ang resignasyon ni Sarkozy (mula sa : The Fire in France ** Revolution #022, November 13, 2005, posted at revcom.us).
Malinaw ang mensahe ng pag-aaklas at malinaw kung ano ang batayan ng kanilang aksyon. Walang iisang lider na nagsasalita para sa ispontanyong pagkilos sapagkat ang pagkilos mismo ng inaaping seksyon ng lipunan ang nagsasalita para sa kanila. Sa ganitong pamamaraan ayon nga sa isang kabataang na interview ay  na kapitbahay ng isa sa mga biktima ay: "We’ll make them listen to us ! When you go home, turn on the television - you’ll see all of France is burning."

Comments »

The URI to TrackBack this entry is: http://aidkolektibo.blogsome.com/2006/07/19/pakikiisa-sa-aping-uri-sa-pransya/trackback/

No comments yet.

RSS feed for comments on this post.

Leave a comment

Line and paragraph breaks automatic, e-mail address never displayed, HTML allowed: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <code> <em> <i> <strike> <strong>



Anti-spam measure: please retype the above text into the box provided.






















Get free blog up and running in minutes with Blogsome
Theme designed by Helga Cleve